Tuesday 25 April 2017

KimErald, malapit nang muling mapanood sa telebisyon…


Pagtupad ng pangarap at pagkamit ng tunay na pag-ibig ang matutunghayan sa “Ikaw Lang ang Iibigin,” ang seryeng pinagbibidahan ng nagbabalik-telebisyon na tambalan nina Kim Chiu at Gerald Anderson sa ABS-CBN.

Mula “Sana Maulit Muli,” “My Girl,” “Your Song,” “Tayong Dalawa,” at “Kung Tayo’y Magkakalayo,” muling mapapanood ang KimErald sa naiiba nilang pagganap sa telebisyon na dapat abangan ng kanilang mga tagasuporta. Masasaksihan din ang bagong tambalan nina Jake Cuenca at Coleen Garcia na siguradong namang magmamarka sa puso ng mga manonood.

Tutukan ang kuwento nina Bianca (Kim Chiu) at Gabriel (Gerald Anderson), dalawang magkababatang determinadong mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang pamilya. Nangangarap si Bianca na maging triathlete upang masuportahan ang kanilang pangangailangan. Gayon din si Gabriel, na sanay sa laban ng buhay at nabubuhay para sa pamilya. Sa pagtupad nila ng kanilang mga pangarap, mararamdaman din nila ang unang pag-ibig sa unti-unting pagkakalapit ng kanilang mga puso.

Ngunit agad ding magkakalayo ang landas ng dalawa dahil kakailanganing umalis ni Bianca ng probinsya upang maipagamot at maisalba ang buhay ng ama nitong may sakit.

Sa kanilang pagkakalayo, magkaibang karera ang kanilang tatahakin. Ngunit pag-ibig pa rin ang magtatagpo sa kanilang mga landas sa pagkikita nila sa isang triathlete event ng TigerShark, na pinamumunuan ni Carlos (Jake Cuenca), ang taong hahadlang sa kanilang pagmamahalan.

Si Carlos ang number one triathlete ng bansa – hindi sanay matalo at gagawin ang lahat upang makuha ang tiwala ng ama. Para mapalago ang kanyang kumpanya, kukunin niyang endorser si Bianca. Pero sa hindi inaasahang pagkakataon, mahuhulog ang loob niya sa dalaga, kahit pa humadlang ang dati niyang nobyang si Isabelle (Coleen Garcia).

Dito mag-uumpisa ang laban nina Carlos at Gabriel hindi lang sa larangan ng triathlon, kung hindi pati na rin sa puso ni Bianca. Ngunit mas titindi ang kanilang laban sa pagsiwalat ng mga sikreto ng nakaraan na nagbabadyang sumira sa kanilang mga buhay.

Magkasama pa rin kayang matupad nina Bianca at Gabriel ang kanilang mga pangarap? Magtagumpay kaya si Carlos na sirain ang kanilang pagmamahalan? Mapatunayan kaya nilang hindi sumusuko ang puso sa pangarap at pag-ibig?

Kasama rin sa “Ikaw Lang ang Iibigin” sina Gina Pareño, Bing Loyzaga, Ayen Munji-Laurel, Michael De Mesa, Daniel Fernando, Dante Rivero, Nicco Manalo, Ivan Carapiet, Andrea Brillantes, at Grae Fernandez. Ito ay sa ilalim ng direksyon ni Dan Villegas at Onat Diaz at panulat nina Noreen Capili at Anton Pelon.

Huwag palampasin ang seryeng magpapatunay na hindi sumusuko ang puso sa pangarap at pag-ibig, ang “Ikaw Lang ang Iibigin,” sa ABS-CBN at sa ABS-CBN HD (SkyCable ch 167).

*Article from ABS-CBN PR

No comments:

Post a Comment